Magpapasko Na

Pagtataksil sa Kaibigan

Noong iisa pa lamang akong batang paslit ipinakilala na siya sa akin ng aking mga magulang. Mabait, matulungin, masayahin. Halos lahat ata nasa kanya na. Siya rin ang hinihingan ng tulong ng aking mga magulang at kung hindi ako nagkakamali, ng aking buong pamilya. Siya ang nagiging takbuhan namin kapag mayroong problema. Sa bahay, sa eskwela, at kung minsan pa nga, sa pera.

Dumating ang panahon na marami na akong natututunan. Maraming katotohananvang aking natuklasan. Ilang katotohanan rin ang naimulat sa aking isipan. Isa sa mga katotohanang ito ang pagkakita sa kaibigan ng aking mga magulang. Unti-unti ko nakita mula sa aking sariling mga mata ang kanyang kabutihan at mga pasakit na ibinigay para makatulong sa ibang tao. Nalaman ko din na hindi lang pala sa aming pamilya siya nagaabot ng kanyang mga tulong kundi pati na rin sa marami pang tao. Hindi kataka-taka na maraming nakakikilala sa kanya at maraming patuloy na humihingi sa kanya ng tulong. Ngunit hindi maaring makuha natin ang mga papuri ng mga taong nasa paligid natin. Habang lumalaki ako nakakikita rin ako ng mga taong hindi natutuwa sa kanya. Ang iba pa, sinisiraan siya at hindi naniniwala sa kanyang mga sinasabi. Minsan pa nakaririnig ako ng mga taong nagsasalita ng masasamang bagay tungkol sa kanya habang nakatalikod siya. O kaya naman, narinig ko na siya ang ginagawang dahilan ng mga taong nagkakaproblema lalu na kapag hindi niya ito matulungan sa paraang gusto nila. Pagkatapos, hindi pa sila nakuntento. Maghahanap pa sila ng mga makakasama nila at magkakampihan. Pagkakaisahan siya at sasabihing namimili lamang siya ng tinutulungan. Alam kong nakikita niya rin ang mga ginagawa sa kanya. Pero hindi pa rin siya gumaganti. Sa halip hinahayaan lang niya ang mga ito at patuloy na lumalapit sa mga nangangailangan ng tulong. Doon ko napatunayan ang kanyang pagiging mabait. Kaya tuloy hanggang ngayon, patuloy syang pinagtataksilan ng mga taong kanyang tinutulungan, pinagtatawanan kapag nakatalikod, at nilalapitan lamang kapag hihingan ng tulong. Pinagtatawanan dahil patuloy niyang tinutulungan ang mga nangangailangan sa kanya kahit alam niyang pagsasawaan din siya kapag hindi na kailangan. Pagtataksilan pagkatapos ibigay ang lahat ng kanyang kayang ibigay. Lalapitang muli para sa parehong dahilan at gagantihan din sa iisang paraan. Paano kaya kung siya naman ang manghingi sa atin ng kahit katiting na atensyon? Mapagbibigyan kaya nila ang kahilingan niya?

Kagaya nalang ngayon. Malapit na ang nakagisnang paghahanda ng kaarawan niya. Maraming tao nanaman ang makikisama sa handaan at tiyak na sari-saring handa nanaman ang makikita sa hapag. Sa dami ng handa at ng nagdiriwang, hindi na alam ng halos lahat na siya pala ang pinaghahandaan. Sana, pagdating nga kanyang kaarawan malaman ng mga makikihanda na siya ang nagdidiwang. Sana, malaman ng kanyang mga natulungan at patuloy na tinutulungan na mananatili siya para sa kapakanan nating lahat. At sana. Hindi na rin siya maliitin kahit ipinanganak lamang siya sa sabsaban at ang kanyang ama ay iisang karpintero.

O pano, mauna na ‘ko. Nagdaan nanaman ang isang buong araw. Kakausapin ko na ulit siya at magpapasalamat sa lahat ng nangyari sa ‘kin at mga biyayang natanggap ko mula sa kanya sa buong araw na ito.